About Me

My photo
I like Cardcaptor Sakura! and also, FullMetal Alchemist: Brotherhood!

Sunday, January 25, 2009

Dr. Jose Rizal: Mga Alaala ng Kabataan

Ang unang alaala ni Rizal, sa kanyang kamusmusan, ay ang masasayang araw niya sa hardin ng kanilang tahanan nang siya ay tatlong taong gulang. Dahil siya ay masakitin at maliit na bata, siya ang alagang-alaga ng kanyang mga magulang. Ipinagpatayo siya ng kanyang ama sa kanilang hardin ng maliit na bahay kubo na mapaglalaruan niya sa araw. Isang mabuti at matandang babae ang inupahan para maging yaya niya. Minsan, kapag naiiwan siyang mag-isa, naglalaro siyang mag-isa o kaya’y pinagmumunimunihan niya ang kagandahan ng kalikasan, Naisulat niya sa kanyang talaarawan na noong tatlong taong gulang siya, pinanonood niya sa kanyang bahay kubo ang paglalaro ng mga ibong kilyawan, maya, maria kapra, martines, at pipit, pinakikinggan nang "buong paghanga" ang matimyas na huni ng mga ibon.

Isa pang magandang alaala ni Rizal ay ang araw-araw na pagdarasal nila tuwing Orasyon. Pagdumilim na, kuwento ni Rizal, tinipon ng kanyang ina ang mga anak para makapagdasal na sa Orasyon. Naalala niya ang pagrorosaryo ng pamilya sa mga gabing iniilawan ng mabilog na buwan ang kanilang azotea. Pagkatapos ng rosaryo, nagkukuwento ang yaya sa mga batang Rizal (kasama si Jose) ng mga kuwento tungkol sa engkantada, kuwento ng mga nabaong yaman at punong namumunga ng brilyante, at iba pang kuwento ng kababalaghan. Ang mga malikhaing kuwentong ito ang pumukaw sa interes ni Rizal sa mga alamat at kuwentong bayan. May mga gabing ayaw kumain ng hapunan ni Rizal kaya tinatakot siya ng kanyang yaya sa mga aswang, nuno sa punso, tikbalang, at balbas-saradong Bombay na kukuha sa kanya kung hindi siya maghahapunan.

Isa pang alaala niya’y ang paglalakad sa bayan, lalo na kapag maliwanag ang gabi. Kapag kabilugan ng buwan, isinasama siya ng kanyang yaya sa may ilog, kung saan nakatatakot na imahen ang inihuhubog ng mga anino ng puno rito. Sabi ni Rizal: "Dahil ang aking puso ay maraming malulungkot na kaisipan kahit pa musmos ako, natuto akong lumipad sa mga bagwis ng pantasiya sa matataas na rehiyon ng kababalaghan."


source: http://www.joserizal.ph/ge04.html

Dr. Jose Rizal: Ang Unang Kalungkutan ng Bayani

Malapit sa isa’t isa ang magkakapatid na Rizal. Tinuruan sila ng kanilang magulang kung paano magmahalan at magtulungan.

Sa mga kapatid na babae, pinakamamahal ni Rizal si Concha (Concepcion). Isang taon ang tanda niya kay Concha. Siya ang kala-kalaro ni Concha at mula sa kapatid ay natutunan niya ang pagmamahal. Ngunit sa kasamaang-palad, namatay si Concha, sanhi ng sakit noong 1865 nang siya at tatlong taong gulang. Si Jose, na tunay na natutuwa sa kapatid ay labis na nalungkot sa pagkamatay nito. "Nang ako ay apat na taong gulang",sabi niya, "namatay ang aking nakababatang kapatid na si Concha, at iyon ang unang pagkakataong lumuha ako dahil sa lungkot at pagmamahal…" Ang pagkamatay ni Concha ang unang kalungkutan niya.

source: http://www.joserizal.ph/ge05.html

Dr. Jose Rizal: Peregrinasyon sa Antipolo

Noong Hunyo 6, 1868, nagtungo si Jose at kanyang ama sa Antipolo para sa kanilang Peregrinasyon na ipinanata ni Donya Teodora nang isilang si Jose. Hindi nakasama si Donya Teodora dahil kasisilang pa lang niya noon kay Trinidad.

Ito ang unang pagtawid ni Jose sa Lawa ng Laguna at unang Peregrinasyon sa Antipolo. Siya’t kanyang ama ay sumakay sa isang kasko. Tulad ng ibang bata, tuwang-tuwa si Rizal sa una niyang paglalakbay. Hindi siya nakatulog ng buong gabi habang tinatawid ng kasko ang ilog Pasig dahil totoong namangha siya sa "kagandahan ng lawa at katahimikan ng gabi’.
Pagkaraang magdasal sa dambana ng Birhen ng Antipolo, nagtungo si Jose at kanyang ama sa Maynila. Ito ang unang pagpunta ni Jose sa Maynila. Dinalaw nila si Saturnina, na noo’y nangangaserang estudyante sa Kolehiyo ng Concordia sa Santa Ana.

source: http://www.joserizal.ph/ge06.html

Dr. Jose Rizal: Ang Kwento ng Gamugamo

Tinuruan si Jose ni Donya Teodora na bumasa sa wikang Kastila. Isang gabi binigyan niya si Jose ng isang aklat, EL AMIGO DE LOS NINOS. Sa Tagalog ang ibig sabihin nito ay "ANG KAIBIGAN NG MGA BATA".

Heto ang isang aklat, Jose ang sabi ng Nanay niya. Tignan mo kung mababasa mo ito. Tinignan ni Jose Kung mababasa niya ang aklat sa kastila, ngunit hindi niy ito mabasa. Kinuha ng Nanay niya ang aklat at ito ang sinabi niya. " Ah, hindi ka pa makababasa sa wikang Kastila. Makinig ka at babasahin ko ito para sa iyo." Nang buksan niya ang aklat, nakita niyang maraming drowing ang mga pahina nito.

"Sino ang may gawa ng mga nakakatawang mga larawan ito? Ang tanong niya. :Ako po, Nanay". "Ah ! pilyo kang bata. Mula ngayon huwag mong guguhitan ng kung anu-anong mga larawan ang mga pahina ng alinmang aklat?".

Matapos mapagalitan si Jose nagsimula na siyang magbasa sa liwanag ng ilawang langis. Sa simula, nakikinig si Jose sa kanyang pagbabasa. Hindi naglaon nawalan na siya ng kawilihan. Hindi niya maunawaan ang binabasa ng Nanay niya. Natawag ang pansin niya sa ningas ng ilawang langis.

Napansin ni Donya Teodora na hindi nakikinig si Jose sa kanyang binasa. Isinara niya ang aklat. "Makinig ka sa akin, Jose," ang sabi niya. "May ikukuwento ako sa iyo." "Nakikinig po ako, Nanay." Sinimulan basahin ng Nanay ang kuwento ng "Batang Gamugamo". Binasa niya ang kuwento sa wikang kastila. Pagkatapos, ikinuwento niya ito kay Jose sa Tagalog para maunawaan ito ng bata.

Pagkatapos ng kuwento ni Donya Teodor, tinanong niya si Jose. " Alam mo ba ang nangyari sa munting gamugamong hindi sumunod sa kanyang ina? Ang mga batang hindi sumusunod sa kanilang mga magulang ay makakatulad din ng batang gamugamo. Hindi naniwala si Jose sa paalaala ng Nanay niya, para sa kanya , maganda ang ningas ng ilaw. Ang ningas na iyon ay kumakatawan sa isang mithiin sa buhay. Isang karangalan para kanino mang tao ang mamatay para sa kanyang mithiin katulad ng munting gamugamo. At gaya ng batang gamugamo siya ay nakatakdang mamatay na martir para sa isang dakilang mithiin.

source: http://www.joserizal.ph/ge07.html

Dr. Jose Rizal: Mga Talinong Pansining

Mula pagkabata, naipakita na ni Rizal ang mga talino niya sa sining na biyaya sa kanya ng Diyos. Sa edad na 5, gumuguhit na siya sa tulong ng kanyang lapis, humuhubog ng magagandang bagay sa luwad o wax.

Sinasabing isang araw, nang si Jose ay bata pa, ang bandilang panrelihiyong ginagamit tuwing pista ng Calamba at lagi na lamang nadudumihan. Bilang tugon sa kahilingan ng alkalde, pininturahan ni Rizal ang bagong bandila ng mga kulay de-langis. Tuwang-tuwa ang taumbayan dahil mas maganda ito kaysa orihinal.

Nasa kaluluwa ni Rizal ang pagiging tunay na artista. Sa halip na maging di-palaimik na bata, may payat at may malulungkot na mata, nakatagpo siya ng ligaya sa pamumukadkad ng bulaklak, pagkahinog ng mga prutas, pagsasayaw ng alon sa lawa, at mala gatas na ulap sa kalangitan, at pakikinig sa awitan ng mga ibon, hunihan ng mga kuliglig at bulungan ng hangin. Gustong-gusto niyang sasakyan ang kabayong binili para sa kanya ng kanyang ama na tinawag niyang ALIPATO,at maglakad sa kaparangan at tabing-lawa, kasama ang kanyang itim na asong nagngangalang USMAN.

Isang interesanteng kuwento tungkol kay Rizal ay ang insidente tungkol sa kanyang eskulturang luwad. Isang araw nang siya ay anim na taong gulang, pinagtatawanan siya ng mga kapatid dahil mas mahabang oras pa ang inilalaan niya sa eskultura kaysa paglalaro. Hindi siya kumikibo habang nagtatawanan ang mga kapatid. Ngunit nang papalayo na ang mga kapatid, sinabi niya: " Sige pagtawanan ninyo akon nang pagtawanan ngayon! Balang araw, kapag patay na ako, ang taumbayan pa ang gagawa ng mga monumento para sa akin.

Unang Tula ni Rizal. Sa edad 8, isunulat ni Rizal ang una niyang tula ng isinulat sa katutubong wika at pinamagatang "SA AKING MGA KABATA".

Sa tulang ito, ipinakita ni Rizal ang pagiging makabayan. Sa mga makabayang berso, ipinahayag niya na ang taumbayan na tunay na nagmamahal sa sariling wika ang siyang makikipaglaban para sa kalayaan tulad ng "ibong lumilipad nang pagkataas-taas para sa mas malawak na liliparan", at ang Tagalog nga ay wikang maitatapat sa Latin, Ingles, Espanyol at iba pang wika.

source:http://www.joserizal.ph/ge08.html

Dr. Jose Rizal: Unang Drama ni Rizal

Pagkatapos maisulat ang tulang "SA AKING MGA KABATA", isinulat ni Rizal na noo’y walong taong gulang, ang una niyang dula na isang komedyang Tagalog. Sinasabing itinanghal ito sa isang pista sa Calamba at kinaluguran ng mga manonood.

Isang Gobernadorcillo mula Paete, isang bayan sa Laguna na kilala sa lansones at mga lilok na kahoy, ang nakapanood ng komedya. Nagustuhan niya ito at binili ang manuskrito sa halagang dalawang piso. Itinanghal ito sa isang Pista sa Calamba at kinaluguran ng mga manonood.

source: http://www.joserizal.ph/ge09.html

Dr. Jose Rizal: Si Rizal Bilang Batang Salamangkero

Mula pagbibinata, naging interesado si Rizal sa mahika. Sa bilis ng kanyang mga kamay, marami siyang natutunan na mahika, gaya ng pagpapawala at muling pagbabalik sa isang barya o panyolito. Inaaliw niya ang mga kababayan sa eksibisyon ng mahiwagang lampara. Binubuo ito ng isang ordinaryong lampara na nagbibigay ng anino sa puting-tabing. Pinagagalaw niya ang mga daliri, gumagawa ng mga aninong kaanyo ng hayop at tao. Naging mahusay din siya sa pagpapakilos ng mga papet.

Source: http://www.joserizal.ph/ge10.html

Dr. Jose Rizal: Mga Pagmumuni-muni sa Tabing Lawa

Kapag magdadapithapon tuwing tag-araw, nagpupunta si Rizal, kasama ang kanyang alagang aso sa tabi ng Lawa ng Laguna para mapagwari-wari ang kalagayan ng inaaping kababayan. Kinalaunan, ikinuwento niya ang mga ito:

Maraming oras ko noong aking kabataan ang inilagi ko sa tabi ng lawa, Lawa ng Laguna. Pinag-iisipan ko kung anong mga bagay ang nasa hinaharap. Napapanaginipan ko ang lugar sa kabila ng mga alon. Halos araw-araw, sa aming bayan, nakikita namin ang Tenyente ng Guardias Civiles na namamalo at nananakit ng mga di-armado at walang kasalanang taumbayan. Ang tanging kasalanan ng aking kababayan ay ang di pagtatanggal ng kanyang sumbrero at yumukod. Hindi rin maganda ang pagtrato ng alkalde sa mahihirap kong kababayan.

Wala akong nakitang pumipigil sa mga kalupitang ito. Mga gawaing marahas at iba pang pang-aabuso na araw-araw na ginagawa…tinanong ko ang aking sarili kung sa lupain sa kabila ng lawa’y ganito rin ang nararanasan ng mga naninirahan doon. Naisip ko kung doon ay pinahihirapan at pinagpapapalo ang isang taumbayan dahil lamang sa mga suspets: Iginagalang ba doon ang tahanan? O sa dako ring yao’y may kapayapaan kapalit ng suhol sa mga tirano.

Kahit bata pa, ikinalulungkot na niya ang aping kalagayan ng kanyang pinakamamahal na bayan. Ginising ng mga kalupitan ng mga Espanyol ang mura niyang puso kaya nagkaroon itong determinasyon para labanan ang tirano. Nang maging binata, isinulat niya sa kaibigang si Mariano Ponce: Dahil sa mga walang katarungan at kalupitan, kahit na bata pa, ang aking imahinasyon ay ginising, at isinumpa kong balang araw ay maipaghihiganti ko ang maraming biktima. Ito ang nasasa isip, nag-aral ako, at ito ay makikita ngayon sa lahat ng naisulat ko. Balang araw ay bibigyan ako ng Diyos ng pagkakataon para maisakatuparan ko ang aking pangako.

source: http://www.joserizal.ph/ge11.html

Dr. Jose Rizal: Mga Impluwensya sa Kabataan ng Bayani

Noong gabing isinilang si Jose Rizal, may ibang bata ang isinilang sa Calamba at maraming ibang bata ang isinilang sa ibat-ibang bahagi ng Pilipinas. Ngunit bakit sa mga batang ito, isang batang lalaki lamang

Si JOSE RIZAL ang naging tanyag at dakila?

Sa buhay ng tao, may mga impluwensiyang nagiging sanhi para maging dakila siya o hindi. Sa kaso ni Rizal, nagkaroon siya ng magagandang impluwensiya na hindi naranasan ng ibang kapanabay niya. Ito ang mga impluwensiya: (1) impluwensiyang namana, (2) impluwensiya ng kapaligiran, at (3) tulong ng Maykapal.


Impluwensiyang Namana

Ayon sa siyensiyang biolohikal, may mga katangian ang isang tao na sadyang minanamula sa mga nuno niya’t magulang. Mula sa mga nunong Malaya, kitang-kitang namana ni Rizal ang pag-ibig sa kalayaan, bukal na pagnanasang maglakbay, at katapangan. Mula sa mga nunong Tsino, nakuha niya ang pagiging seryoso, masinop, pasensiyoso, at mapagmahal sa mga bata. Mula sa nunong Espanyol, nakuha niya ang pagiging elegante, maramdamin sa mga insulto, at galante sa kababaihan. Mula sa kanyang ama, minana niya ang tunay na pagpapahalaga sa sarili, pagmamahal sa gawa, at pagiging malaya sa pag-iisip. At mula sa kanyang ina, namana niya ang pagiging relihiyoso, diwa ng pagmamalasakit, at pagmamahal sa sining at literatura.


Impluwensiya ng Kapaligiran

Ayon sa mga sikolohista, ang kapaligiran, gaya rin ng pagmamana, ay nakaapekto sa katauhan ng isang tao. Kabilang sa mga impluwensiya sa kapaligiran ang mga lugar, kakilala at pangyayari. Ang magagandang tanawin sa Calamba at magandang hardin ng mga Rizal ang nagpasigla sa talino niya sa sining at literatura. Ang relihiyosong kapaligiran sa kanyang tahanan ang nagpatibay sa kanyang pagiging relihiyoso. Ang kanyang kapatid na si Paciano ang nagkintal sa kanyang isip ng pagmamahal sa kalayaan at katarungan. Mula sa mga kapatid na babae, natuto siyang maging magalang at mabuti sa kababaihan. Ang mga kuwento isinalaysay sa kanya ng kanyang yaya noong siya’y bata pa ang gumising sa interes niya sa kuwentong-bayan at alamat.
Ang tatlo niyang tiyo, mga kapatid ng kanyang ina, ay may magaganda ring impluwensiya sa kanya. Si Tiyo Jose Alberto, na nag-aral ng labing-isang taon sa isang paaralang Ingles sa Calcutta, India at nakapaglakbay sa Europa ang naging inspirasyon niya para mapanday ang kanyang talino sa sining. Si Tiyo Manuel, na isang lalaking mahilig sa palakasan , ang humikayat sa kanya na magpalakas at magpalaki ng katawan sa pamamagitan ng mga pisikal na ehersisyo, kasama na ang pangangabayo, paglalakad, at pagbubuno. At si Tiyo Gregorio, na palabasa, ang nagpatingkad sa hilig niyang pagbabasa ng magagandang aklat.

Si Padre Leoncio Lopez, ang matanda;t maalam na kura paroko ng Calamba, ay isa sa mga impluwensiya na tumulong kay Rizal sa pagpapayaman ng kanyang pagmamahal sa pag-aaral at katapatang intelektuwal.

Ang mga kalungkutang dinanas ng pamilya, gaya ng pagkamatay ni Concha noong 1865 at pagkakapiit ng kanyang ina noong 1871-74, ang nakatulong nang malaki sa pagpapatatag ng kanyang katauhan, na tumulong sa kanya para labanan ang mga hamon sa buhay. Ang mga pang-aabuso at kalupitan ng tenyente ng mga Guardias Civiles at alkalde, ang walang-katarungang pagmamalupit sa mga inosenteng Pilipino, at pagbitay kina Padre Gomez, Burgos, at Zamora noong 1872, ang gumising sa kanyang diwa ng pagiging makabayan at naging inspirasyon para isakripisyo ang buhay at talino para sa katubusan ng mga inaaping kababayan.

Tulong ng Maykapal

Higit sa minana at kapaligiran, ang tulong ng maykapal ang siya ring humuhubog sa kapalaran ng tao. Ang isang tao ay maaaring magkaroon ng lahat sa kanyang buhay-talino, yaman, at kapangyarihan- ngunit kung walang tulong ng Maykapal , hindi niya makakamit ang kadakilaan sa kasaysayan ng nasyon. Si Rizal ay inilaan ng diyos para sa pagpapahalaga at kadakilaan ng kanyang bansa. Ang diyos ay nagbiyaya sa kanya ng maraming regalo ng isang henyo, ang buhay na diwa ng pagiging makabayan, at matapang na puso para makapagsakripisyo para sa isang dakilang simulain.

source: http://www.joserizal.ph/ge12.html