Noong gabing isinilang si Jose Rizal, may ibang bata ang isinilang sa Calamba at maraming ibang bata ang isinilang sa ibat-ibang bahagi ng Pilipinas. Ngunit bakit sa mga batang ito, isang batang lalaki lamang
Si JOSE RIZAL ang naging tanyag at dakila?
Sa buhay ng tao, may mga impluwensiyang nagiging sanhi para maging dakila siya o hindi. Sa kaso ni Rizal, nagkaroon siya ng magagandang impluwensiya na hindi naranasan ng ibang kapanabay niya. Ito ang mga impluwensiya: (1) impluwensiyang namana, (2) impluwensiya ng kapaligiran, at (3) tulong ng Maykapal.
Impluwensiyang Namana
Ayon sa siyensiyang biolohikal, may mga katangian ang isang tao na sadyang minanamula sa mga nuno niya’t magulang. Mula sa mga nunong Malaya, kitang-kitang namana ni Rizal ang pag-ibig sa kalayaan, bukal na pagnanasang maglakbay, at katapangan. Mula sa mga nunong Tsino, nakuha niya ang pagiging seryoso, masinop, pasensiyoso, at mapagmahal sa mga bata. Mula sa nunong Espanyol, nakuha niya ang pagiging elegante, maramdamin sa mga insulto, at galante sa kababaihan. Mula sa kanyang ama, minana niya ang tunay na pagpapahalaga sa sarili, pagmamahal sa gawa, at pagiging malaya sa pag-iisip. At mula sa kanyang ina, namana niya ang pagiging relihiyoso, diwa ng pagmamalasakit, at pagmamahal sa sining at literatura.
Impluwensiya ng Kapaligiran
Ayon sa mga sikolohista, ang kapaligiran, gaya rin ng pagmamana, ay nakaapekto sa katauhan ng isang tao. Kabilang sa mga impluwensiya sa kapaligiran ang mga lugar, kakilala at pangyayari. Ang magagandang tanawin sa Calamba at magandang hardin ng mga Rizal ang nagpasigla sa talino niya sa sining at literatura. Ang relihiyosong kapaligiran sa kanyang tahanan ang nagpatibay sa kanyang pagiging relihiyoso. Ang kanyang kapatid na si Paciano ang nagkintal sa kanyang isip ng pagmamahal sa kalayaan at katarungan. Mula sa mga kapatid na babae, natuto siyang maging magalang at mabuti sa kababaihan. Ang mga kuwento isinalaysay sa kanya ng kanyang yaya noong siya’y bata pa ang gumising sa interes niya sa kuwentong-bayan at alamat.
Ang tatlo niyang tiyo, mga kapatid ng kanyang ina, ay may magaganda ring impluwensiya sa kanya. Si Tiyo Jose Alberto, na nag-aral ng labing-isang taon sa isang paaralang Ingles sa Calcutta, India at nakapaglakbay sa Europa ang naging inspirasyon niya para mapanday ang kanyang talino sa sining. Si Tiyo Manuel, na isang lalaking mahilig sa palakasan , ang humikayat sa kanya na magpalakas at magpalaki ng katawan sa pamamagitan ng mga pisikal na ehersisyo, kasama na ang pangangabayo, paglalakad, at pagbubuno. At si Tiyo Gregorio, na palabasa, ang nagpatingkad sa hilig niyang pagbabasa ng magagandang aklat.
Si Padre Leoncio Lopez, ang matanda;t maalam na kura paroko ng Calamba, ay isa sa mga impluwensiya na tumulong kay Rizal sa pagpapayaman ng kanyang pagmamahal sa pag-aaral at katapatang intelektuwal.
Ang mga kalungkutang dinanas ng pamilya, gaya ng pagkamatay ni Concha noong 1865 at pagkakapiit ng kanyang ina noong 1871-74, ang nakatulong nang malaki sa pagpapatatag ng kanyang katauhan, na tumulong sa kanya para labanan ang mga hamon sa buhay. Ang mga pang-aabuso at kalupitan ng tenyente ng mga Guardias Civiles at alkalde, ang walang-katarungang pagmamalupit sa mga inosenteng Pilipino, at pagbitay kina Padre Gomez, Burgos, at Zamora noong 1872, ang gumising sa kanyang diwa ng pagiging makabayan at naging inspirasyon para isakripisyo ang buhay at talino para sa katubusan ng mga inaaping kababayan.
Tulong ng Maykapal
Higit sa minana at kapaligiran, ang tulong ng maykapal ang siya ring humuhubog sa kapalaran ng tao. Ang isang tao ay maaaring magkaroon ng lahat sa kanyang buhay-talino, yaman, at kapangyarihan- ngunit kung walang tulong ng Maykapal , hindi niya makakamit ang kadakilaan sa kasaysayan ng nasyon. Si Rizal ay inilaan ng diyos para sa pagpapahalaga at kadakilaan ng kanyang bansa. Ang diyos ay nagbiyaya sa kanya ng maraming regalo ng isang henyo, ang buhay na diwa ng pagiging makabayan, at matapang na puso para makapagsakripisyo para sa isang dakilang simulain.
source: http://www.joserizal.ph/ge12.html
1 comment:
very good post! it helped me thank you very much
Post a Comment